Sa ika-38 na anibersaryo ng People Power
PAGKAIN SA MESA, HINDI CHA-CHA!
Kasama ang Migrante Canada ng libo-libong mamamayang Pilipino, sa loob at labas ng bansa, na lumalaban at tumututol sa usaping palitan ang 1987 Konstitusyon, na kung tawagin ay charter change (o cha-cha).
Si Marcos, Jr. ay wala nang inatupag kundi magbuhos ng panahon at salapi sa sayaw at tugtugin ng cha-cha, kadikit ang kaniyang mga alipures, kroni, at oligarkong mga kaibigan. Para kanino? Para sa pansariling interes, lamnan ang kanilang mga bulsa, at panatiliin ang kanilang mga politikal na dinastiya. Nais nilang palitan ang Konstitusyon para bigyan ang mga dayuhang interes ng 100 porsyentong pag-aari sa ating industriya, serbisyo, negosyo, at lupa. Hindi na nagkasya sa mga dekada ng patakarang neoliberal ng estado na pinayagang bukas ang ekonomiya sa mga dayuhan. Ganito na kababa ang inabot ng gobyernong Marcos Jr. na hahayaan nitong papasukin ang mga dayuhan para gahasain ang Inang Pilipinas habang sila ay tumatawa at pumapalakpak.
May mga nagpupustura na kontra Cha-cha tulad ng mga Duterte pero ang interes nila ay tiyakin na makabalik o manatili sa poder. Ang lamat sa hanay ng naghaharing-uri ay malinaw sa bangayan sa pagitan ng mga burukrata kapitalista sa Kamara at Senado, sa pagitan ng pamilyang Marcos at Duterte, at sa loob mismo ng pamilya ni Marcos, Jr.
Walang pakialam ang gobyernong Marcos Jr. sa lumalalang krisis ng bansa. Wala sa kanilang interes ang kaginhawahan ng naghihirap na mamamayan. Binubuhos ang oras at pera sa pagtutulak ng cha-cha pero walang pakialam at panahon para sa problema ng bayan. Ipinakikita na talagang pabaya at inutil ang gobyernong Marcos Jr. Walang pakialam na nagugutom ang taumbayan.
Binabandera ang cha-cha na ito raw ang sasagot sa krisis ng ekonomiya, sa pag-unlad ng Pilipinas, sa pag-ahon ng bayan sa kahirapan. Napakalaking panlilinlang! Napakalaking kahibangan!
Hindi ang cha-cha ang sagot sa kahirapan ng bayan!
Tignan lamang ang libo-libong migranteng Pilipino na tinutulak ng sistema na mangibang bayan para mabuhay ang kanilang mga pamilya. Matindi ang malaking kawalan ng trabaho, ang hindi nakabubuhay na sahod ng mga manggagawa, ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka, ang mataas na presyo ng bilihin, at di sapat na panlipunang serbisyo tulad ng edukasyon, pabahay, at kalusugan. Manhid at maramot ang gobyernong Marcos Jr. sa pagbigay ng panandaliang ayuda sa milyong Pilipinong naghihirap. Nasa peligro ng pagkakabangkarote ang naghihikahos na maliliit na negosyante. Ang ating likas na yaman at kalikasan ay mistulang ibinigay para makinabang ang mga dambuhalang dayuhang interes. Tuloy ang pagyurak sa ating soberaniya dahil sa walang-hiya na pangangayupapa ng gobyernong Marcos Jr. sa dayuhang interes ng Estados Unidos at ng Tsina.
Heto ang sinabi ni Sonny Africa, isang makabayang ekonomista: Kahit na ano pang dami ng cha-cha, hindi bubuti ang kalagayan natin kung ang mga pulitikong ito ang siya pa ring nasa kapangyarihan. Kahit na walang cha-cha, magkakaroon ng mabuting pagbabago; ang kailangan natin ay mga progresibo sa pulitika na nagdadala ng interes ng bayan sa kanilang mga puso.
May alternatibo sa pakanang cha-cha.
Ito ang pambansang demokratikong alternatibo, ito ang landas sa pag-unlad ng ating bayan: pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, ang pagtanggol sa ating soberaniya at kalayaan, ang pagrespeto sa karapatang pantao, at ang masusing pagtugon sa mga problema ng iba’t ibang sektor ng bayan, tulad ng Trabaho sa Pinas, Hindi sa Labas!
Sa paggunita sa anibersaryo ng People Power, yakapin natin ang mahalagang aral ng kasaysayan: Ang tao ang mapagpasya para sa tunay na pagbabago sa lipunan! Kung napatalsik ng nagkakaisang Pilipino ang diktador Marcos Sr. at ang kaniyang pamilya mula sa Malacanang at Pilipinas, magagawa muli natin ito kay Marcos Jr. sa tamang panahon (o kung sino mang tirano ang nasa Malacanang.)
Pagkain sa Mesa, Hindi Cha-Cha!
Tutulan! Labanan! ang Cha-Cha!
System-Change, Hindi Charter Change!###