Jeffrey Eric Celiz ahente ng NTF-ELCAC

0
491
Eric Celiz was recognized as a "redtagger" in the Philippines, meaning he was designated as an agent/operative of the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Celiz utilizes social media platforms to classify government critics by employing "redtagging" techniques. (Caricature by EBM)
Artwork by Balinghoy

By Carlos Villanueva

Nailuklok sa Malacanang  si PRRD noong 2016 bunga ng kanyang mga pangako na magbabago ang kalagayan pati na ang kinabukasan ng mga manggagawang Filipino sa labas ng bansa. Hindi ito nangyari at sa halip matapos ang anim na taon sa pagkapangulo, lalo pang tumindi ang kahirapan ng sambayanang Filipino at lumala nang husto ang kalagyan ng mga migranteng Filipino dahil sa mga anti-mamamayan at anti migranteng polisiya nito.

Naglahong parang bula ang mga pangako ni PRRD matapos umupo sa pagka- pangulo noong 2016. Tinalikuran niya ang mga panawagan ng migranteng Filipino na alisin ang mga  state exactions kabilang ang pagbabasura sa Overseas Employment Certificate (OEC) at iba pang  mga mandatory fees na kinakaltas sa mga umaalis na mga  migranteng manggagawa.

Sinundan pa ito ng pag-apruba ng DOLE order No. 174 na naglalaman ng mga hungkag na pagbabago sa kontraktwalisasyon bilang isang regularization para sa mga manggagagawa.   Ang inaprubahang atas na ito ng DOLE ay lalo pang naging daan para atakihin ang mga  karapatan ng mga manggagawang migrante kabilang ang mga panawagang itaas ang sahod, karampatang benepisyo atbp.

Lalong tumaas ang mga ipinapataw na bayarin o state fees para sa mga lumalabas na OFWs sa ilalim ng rehimeng Duterte kagaya ng mga sumusunod:

  • PhP 200 (USD 3.74) – POEA processing fee
  • PhP 1,200 (USD 22.43) – Passport fee
  • PhP 1,250 (USD 23.37) – OWWA membership fee
  • PhP 2,400 (USD 44.87) – PAG-IBIG membership fee
  • PhP 2,400 (USD 44.87) – PhilHealth fee
  • PhP 8,600 (USD 160.78) fee for 76 needed signatures.

Kung pagsasamasahin ang mga gastusing kinakaltas ng gobyerno sa mga umaalis sa bansa na OFWs,  nagkakahalaga ito ng  PhP 16, 050 (USD 297).

Talamak rin ang labor trafficking sa mga OFWs. May naiulat na  70 mga Filipino titser sa US  na bahagi ng 300 na dokumentadong biktima ng  human trafficking. Malaking kapabayaan ng rehimeng Duterte dahil sa walang naging tugon ang embahada ng Pilipinas at konsulado  sa Amerika hinggil dito.

“Para kaming basura” ang naging saloobin ng isang OFW na sapilitang napauwi pabalik ng Pilipinas sa kasagsagan ng Pandemic. Palpak naman ang naging tugon ng gobyernong Duterte sa mga daan-daang libong mga na-stranded na mga OFW sa ibang bansa.. Kinakailangan pang maghintay ang mga OFWs na umabot sa tatlong buwan bago sila maiuwi sa Pilipinas. Kapal-mukhang ipinagmamalaki ng gobyerno ang umano’y pagsisikap nitong mapauwi ang malaking bilang ng mga na-stranded na OFWs,  na nakauwi lamang, dahil sa tiket sa eroplano na sila mismo ang nagbayad sa halip na sagutin ng gobyerno. Kakarampot na tulong-pinasiyal ang ibinigay ng gobyerno sa mga OFWs sa halagang U$200 bilang “cash aid” sa pamamagitan ng DOLE-AKAP. Napakaliit  ngang halaga ay pahirapan pa para maibigay ito dahil sa mga hinihinging mga dokumento. Imbes na ayuda, serbisyo at tulong medikal ang ibinigay, sinalubong ang mga migranteng Filipino ng panunupil  partikular  sa mga migranteng aktibo sa pagtataguyod ng mga  karapatan at kagalingan ng mga kababayan sa labas ng bansa.  Sa pamamagitan ng kampanya ng gobyerno laban sa mga tumutuligsa sa mga anti-mamamayang mga polisiya nito, ginamit nito ang  National Task Force to End Local Communnist Armed Conflict (NTF-ELCAC)  upang supilin at takutin ang mga migranteng aktibo sa pagsusulong sa kanilang mga karapatan at kagalingan.  Nagtalaga  ng mga “military attaches”  ang gobyerno sa mga embahada ng Pilipinas  sa mga bansang may malaking bilang ng mga  OFWs kung  saan ginamit ang NTF-ELCAC para sa red-tagging ng mga lider  ng migrante sa loob at labas ng bansa.

Hindi lingid sa kaalaman ng mga overseas Filipino workers ang malaking badyet na inilaan ng gobyerno para sa pagbubuo ng NTF-ELCAC na umabot sa halagang P17.1 bilyong piso noong 2022 at P19 bilyong piso noong 2021. Nakinabang nang husto ang redtagger at oportunistang si Jeffrey Eric Celiz sa badyet ng NTF-ELCAC na ito. Ginamit at patuloy na nilulustay ni Celiz ang perang badyet ng NTF-ELCAC na nakalaan sa kanya bilang ahente ng panunupil ng rehimen at ng pangkating Duterte.

Eric Celiz was recognized as a “redtagger” in the Philippines, meaning he was designated as an agent/operative of the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Celiz utilizes social media platforms to classify government critics by employing “redtagging” techniques. (Photo grabbed from google)

Malaking pinsala ang redtagging agent na si Celiz sa mga batayang karapatan ng mamamayan sa loob man o labas ng bansa. Kagaya ng isang likas na oportunistang taksil, nagpapakalat si Celiz ng mga walang mga batayang paninira sa mga indibdiwal at organisasyong walang pakundangan niyang binansagang mga komunista o kundi man ay konektado sa mga indibidwal o mga organisasyon na malisyosong binansagang “mga komunistang prente”.  Kailan lamang nitong taon, katulong ang iba pang ahente ng NTF-ELCAC , ni-redtag ni Celiz ang mga lehitimong organisasyon sa Canada kabilang ang Anakbayan Scarborough, Migrante at mga ibidibidwal na lider-komunidad dahil sa kanilang masikhay na pagsusulong ng mga karapatan at kagalingan ng migrante at kababayan sa Canada.

Isang malaking banta sa karapatan sa kalayaang magpahayag ang mga kagaya ni Celiz na ubod sa kasinungalingan at nabubuhay sa opurtunismo.  Dahil kay Celiz at sa mga kasapakat nitong sina Freddie Bagunu, Lydia Lao at mga bentador na midyang SMNI, ang sinumang indibidwal o organisasyon na lantaran, kritikal, at masikhay na nagpipilit ng mga batayang karapatang pantao na nakapaloob sa Konstitusyon ng Pilipinas, mga kasalukuyang batas, at mga kasunduan sa internasyonal na pirmado ng Pilipinas ay tatawagin o tatawagin bilang mga komunistang terorista.

Kahit na ang pinaka-disente na nagpapahayag ng pagpuna o hindi pagkakasundo sa isang patakaran, pagkilos, o kawalan ng pagkilos ng pamahalaan ay maaaring ma-redtag. Ang mga lehitimong sumusuporta sa isang indibidwal o organisasyon na nagtataguyod ng karapatang pantao, hustisyang panlipunan, mabuting pamamahala, at pananagutan ay maaaring mabansagan bilang mga komunistang terorista.

Si Jeffrey Celiz na ahente ng panunupil at tinig ng  red-tagging ay mapanganib dahil  sa redtagging ay pinipigilan nito ang mga indibidwal na gamitin ang kanilang mga pangunahing karapatan at kalayaan. Dahil sa redtagging, maaaring mag-atubiling magsalita ang mga tao laban sa kawalang katarungan, suportahan ang isang balidong dahilan, o gamitin ang kanilang lehitimong karapatan sa takot na mabansagan bilang mga komunistang terorista. Sa ganitong kahulugan, ang red-tagging ay nag-aalis sa mga tao ng kanilang pangunahing sangkatauhan, na kung saan ay ang pag-aalaga sa isa’t isa at pagsisikap para sa isang makatarungan at mapangaping kaayusan ng Lipunan.

Sa pagbisita ni Celiz sa Toronto, lalo lamang nitong ibinubulid sa kapahamakan ang mga kababayan sa Canada,  pati na ang mga indibdiwal na nagsusulong ng kanilang lehitimong karapatan sa pamamahayag at mga organisasyong kumakanlong sa pagsusulong ng katarungan at katumpakan ng pakikisangkot. Nararapat lamang na kundenahin at labanan ang mga kagaya ng opurtunistang si Jeffrey Celiz na kapit-tuko sa mga naghaharing uri at mapanupil na sistema, Si Celiz na sagad sa buto ang kasinulingan para lamang sa umento at benepisyong ikinakarga sa kanya ng mga pangkating Duterte. Masahol pa sa mas masahol ang  kasinungalingang ipaparatang ni Jeffrey Eric Celiz sa mga migranteng Filipino sa Toronto at walang bagong sasabihin kundi mga imbentong  paninira, panlalansi, pangingikil, at walang patumanggang kasinungalingang inianak ng kanyang pagiging ahente ng NTF-ELCAC, isang oportunista at regtagger na ang lugar ay sa kangkongan ng kasaysayan. ###