Balik-Tanaw: Agosto 13, 1898

0
146
US Flag is raised in Intramuros after the Mock Battle of Manila, Aug 13,1898. American occupation begins.

Binanggit ng makatang Amado V. Hernandez ang petsa na ito sa kaniyang tulang “Kung Tuyo na ang Luha Mo Aking Bayan”. 

Lumuha ka, aking Bayan | buong lungkot mong iluha | Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa | Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila | Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika | Ganito ring araw nang agawan ka ng laya | Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila

Ang ika-13 ng Agosto 1898 ay hindi dapat makalimutan ng bawat Pilipino sa kaniyang pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas. Ito ang nagpapatunay na ang  interes ng Estados Unidos (E.U.) ay hindi kailanman ang interes ng Pilipinas, kundi ang kaniyang pansariling interes. Ito rin ang pruweba na ang mamamayang Pilipino, na umalsa noong Rebolusyon ng 1896 at magiting na lumaban sa mananakop na Kastila, ay patuloy na lumaban sa bagong mananakop na Estados Unidos.

Pero heto ka. Walang land troops o tropang lupa ang Amerika para sakupin ang Intramuros. Kailangan ng tulong ng mga Pilipino at sino ang nilapitan ng Amerika? Ang mga lideratong burgesya na sumuko sa mga Kastila sa Kasunduang Biak-na-Bato at nasa Hong Kong. Bakit sila nasa Hong Kong? Isang nakakahiyang kabanata sa ating kasaysayan nang pumayag si Emilio Aguinaldo at ang kaniyang mga kasamahan na pumasok sa kasunduang Biak-na-Bato at tanggapin ang P400,000 para isurender ang kanilang armas at pumunta sa Hong Kong. Pero huwag ka, tinuloy ng mga naiwan sa Pilipinas ang pakikipaglaban sa mga Kastila.

Naniwala si Aguinaldo sa mga pangako ng Amerika na tutulong ang Amerika kung siya ay babalik sa Pilipinas at ituloy ang pakikipaglaban sa mga Kastila at makamtan ang kalayaan. Kaya nagbalik-bayan si Aguinaldo noong Mayo 1898 at maraming mga lideratong burgesya at mga ilustrado ang nakisakay sa panibagong eksenang ito.

Hunyo 12, 1898, dineklara ni Aguinaldo sa Kawit, Kabite ang kalayaan ng Pilipinas sa Espanya, itinaas ang bandila ng Pilipinas at pinatugtog ang pambansang awit. Bumagsak na ang kapangyarihan ng Espanya sa kapuluan maliban na lamang sa Intramuros na siyang sentro ng kolonyal na kapangyarihan ng Espanya.

Pero huwag ka. Lingid sa kaalaman ni Aguinaldo ay matagal nang humingi si Dewey kay Presidente McKinley ng Amerika na magpadala ng dagdag na tropang Kano para kuhanin ang Maynila. Humingi siya ng 5000 tropa ngunit nagpadala si McKinley ng 15,085 na tropang sundalo at 641 na opisyales! Ito ang tinatawag na “boots on the ground” o “army of occupation” ng Amerika. Nagsimulang dumating ang mga tropang Kano ng Hunyo at Hulyo.

Bago pa dumating ang mga tropang Kano, mga 40,000 ng pwersang Pilipino sa ilalim ni Heneral Antonio Luna  ang nakapaligid sa “walled city”. Nakagawa ng mahaba at malalim na hukay (trenches) sa palibot ng Maynila. Nakuha na rin nila ang suplay ng tubig kung kayat kaya nilang gutumin at alisan ng tubig ang mga nasa loob ng Intramuros.

Pinatabi ng mahinang lider na si Aguinaldo, sunod sa utos ni Dewey, ang rebolusyonaryong pwersang Pilipino na nakaposisyon na sa paligid ng Intramuros para makapasok ang mga tropang Amerikano, hanggang sa mawalan ng pwesto ang mga Pilipino.

May tropang Kano na nakaposisyon sa paligid ng Intramuros. Nasa laot naman ang plota ng bapor ni Dewey. Ayos na ang eksena sa pagsurender ng Kastila, hindi sa Pilipino at kay Aguinaldo, kundi sa Amerika at kay Admiral Dewey.

Pagkatapos ng negosasyong diplomatiko sa pagitan ni Dewey at ng gubernador-heneral  na Espanyol, at sa tulong ng konsul ng Belgium, isinadula nila ang pagsuko. Hindi kasama rito si Aguinaldo. Hindi matanggap ng mga Kastila na sumuko sa mga Pilipino, sa mga “indio” na kanilang inalipin ng 300 na taon! Malaking kahihiyan sa kanila ito pero ok lang na sumuko sa Amerika!

Kaya noong Agosto 13, 1898, nagkaroon ng kaunting putukan na palabas lamang. Ayon sa kanilang iskrip, binomba nina Dewey mula sa laot ang isang bahagi ng Intramuros, tinaas ng Kastila ang puting bandila at sumurender ang Espanya sa Amerika.  Pinagbawal ng mga opisyal ng tropang Amerikano at ni Dewey ang pagpasok ng mga rebolusyonaryong pwersa ng Pilipino sa loob ng Intramuros at sa Maynila. Itinaas ang bandila ng Amerika sa Intramuros at natapos ang kunwaring labanan, na ngayon ay tinatawag nating “mock” battle of Manila.

Ang tagumpay na pinagpaguran at ipinaglaban ng rebolusyonaryong pwersa ng Pilipino ay inagaw, ipinagkait sa kanila ng Estados Unidos, sa tulong ng mahinang pamumuno ni Emilio Aguinaldo.

Kaya kailangang mag-ingat sa mga pangako at magagandang salita ng Estados Unidos kahit na sa kasalukuyang panahon. Ganoon din sa pangako at magagandang salita ng Tsina o sino pa mang bansa.

Kaya pagkatapos ng Agosto 13, 1898, ang nagkunwaring kaibigan na Amerika ay ibinaling ang kanilang mga sandata, tropa, at madugong paghahari laban sa kanilang bagong kolonya, ang Pilipinas. Lumaban muli ang mga Pilipino sa panibagong digmaan, ang Digmaang Pilipino-Amerikano na kung saan libo-libong mamamayang Pilipino ang namatay, nasugatan, pinahirapan, maging sandatahan at sibilyan.

Ang taghoy ni Ka Amado V. Hernandez ay nagtatapos sa:

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo | may araw ding di na luha sa mata mong namumugto ang dadaloy | kundi apoy, at apoy na kulay dugo | samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo | sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo |  at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo! ###