Kababayan: Mag-Ingat sa Corona at Magtulungan

0
517

Hindi biro biro itong nangyayari sa atin dahil sa Corona Virus Disease 2019. Ang  COVID-19 ang  bagong respiratory virus na unang nakita sa siyudad ng Wuhan sa lalawigan ng Hubei sa Tsina noong 2019. Mabilis itong kumalat sa buong Tsina at ngayon ay nasa 195 na bansa at teritoryo, kasama ang bapor na Diamond Princess na nasa Japan.

 Kinilala kaagad ang COVID-19 na  isang pandaigdigang problema noong Enero 30 ng World Health Organization at binansagan itong Global Public Health Emergency.  Nitong Marso 12, itinaas na ang COVID-19 bilang pandemya (pandemic) na ang ibig sabihin ay kumalat na ang COVID-19  sa buong mundo.

Sa Canada, 2,092 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 at 336,004 naman sa buong daigdig . Sa ating probinsya ng B.C., may 472 na kumpirmadong kaso at 13 katao na ang bilang ng nasawi (datos ng Marso 23). 

Nakita natin na nagsara na ang mga paaralan, simbahan, opisina, library, restawran, recreation at community centre at mga clinic at mga importanteng serbisyo lang ang nakabukas tulad ng ospital, ang public transit, ang mga grocery at pamilihan ng pagkain. Seryoso ang nangyayari ngayon at di dapat ipagwalang bahala.

Kailangang maging mahinahon, maingat at bigyan ng atensyon ang ating mga seniors, ang mga may kahinaan at sinasabing high-risk at siyempre, ang ating kalusugan.  Ang sinasabing simtomas ay maaring lagnat, ubo at ang parang kinukulang ang paghinga o talagang hindi makahinga. Pero dapat rin nating tandaan na nasa panahon rin tayo ng flu o trangkaso. 

Laging hugasan ang kamay ng sabon at tubig sa loob ng di bababa ng 20 segundo, lalo na pagkagaling sa banyo; bago kumain; at pagkatapos magsinga sa ilong, umubo o magbahin. Iwasang makisalamuha sa mga taong may sakit. Iwasang hawakan ang iyong mga mata, ilong, at bunganga kung hindi pa naghugas. Huwag lumabas ng bahay lalo na kung ikaw ay may sakit. Ipraktis ang social distancing o physical distancing.  Kung may pagaalinlangan, , maaring gawin ang BC COVID-19 Self assessment tool ,  tawagan ang 8-1-1 o kaya ay kontakin ang inyong healthcare provider. 

Sa ganitong kalagagan, nagpapasalamat rin tayo sa mga manggagawang pangkalusugan, mga care aide, home care workers, mga drayber ng bus, ang mga farm workers, mga domestic workers, mga empleyado sa airport, mga janitor, mga temporary foreign workers na patuloy na nagtratrabaho. At masasabi natin na marami sa mga manggagawa sa mga sector na ito ay ating mga kababayan. At marami rin diyan ay mga manggagawang migrante mula sa mga bansang mahirap tulad ng Pilipinas.

Sa gitna ng pandemyang COVID-19, suportahan natin ang panawagan ng Migrant Rights Network. Sa pagtugon sa COVID-19, ang pangangalagang pangkalusugan (health care for all) ay dapat kasama ang lahat ng manggagawa, pati na ang migranteng manggagawa.

Dapat isiguro na may proteksyon ang mga manggagawa, na malamang ay walang benepisyo na sick leave o hindi kabilang sa Employment Insurance. Ang mga international student na umaasa sa trabaho sa loob ng campus at pabahay sa kampus ay apektado ng pagsara ng mga paaralan at unibersidad. Hinihini ng Migrant Rights Network ang pagkakaroon ng Income security at  open work permit para maibsan ang kawalan ng trabaho dahil sa lay off, sa sakit, at quarantine.

Sa krisis pangkalusugan na ito, hinihini rin ng Migrant Rights Network na itigil ang detensyon at deportasyon, ibig sabihin ipatupad ang kagyat na moratorium ng mga ito. Ang pondo para sa immigration enforcement ay kailangang ilipat sa emergency relief at essential services.  Sa Iran, pinalaya ng pamahalaan ang mga bilanggong pulitikal para itigil ang pagkalat ng COVID-19. Sa Poland, binigyan ng pagkakataon na ituloy ang sentensya ng mga bilanggo sa kanilang mga bahay. Maari ring magawa ito ng Canada sa mga nakakulong sa mga detention centre. 

Ito ang panahon para magbigay ng mas malaking puwang sa usapin ng work permit, open work permit at permanent resident status, bilang paniguro na di mawawala ang status dahil sa kawalan ng trabaho, pagsara ng mga paaralan at paghigpit sa biyahe.

Kailangan ng dagdag at kagyat na pondo para tuloy tuloy ang serbisyo tulad ng food bank at emergency shelter, pabahay at childcare.

Para masiguro  na walang maiiwan sa ano mang pagpaplano at pagpapatupad ng mga pagtugon sa pandemya, dapat kasama dito ang mga migrant  at community organization.  Ang boses nila ay kailangang marinig at maisama. 

Ang COVID-19 ay tinitira hindi lamang ang kalusugan ng mamamayan kundi pati ang kanilang ekonomiyang pangkabuhayan. 

Sama-samang haharapin natin ang COVID-19 at wala tayong iiwan.

###

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here