PAHAYAG mula sa Migrante Philippines/ Marso 17, 2024
Ngayong araw ay ginugunita natin ang pagkamatay ni Flor Contemplacion noong Marso 17, 1995. Hindi na mabilang ang mga Pilipinong nasawi sa ibang bayan. Daan-daan ang mga DH na sinasamantala at inaabuso ng kanilang mga amo, malayo sa kanilang mga mahal sa buhay. Maraming OFW at seafarer ang iniinda ang hirap, pasakit, at racism sa kanilang mga pinagtatrabahuhan. Marami ring mga OFW ang hindi nakakatanggap ng sahod na pantay sa ibang mga lahi at hindi nakatanggap ng end-of service benefits, tulad ng mga biktima ng Saudi Crisis. Samantala, ang kanilang mga pamilya sa Pilipino ay kumakapit para lamang mapagkasya ang kanilang mga padala dahil sa tumataas na presyo ng mga bilihin.
Kaya naman inaalay ng Migrante ang araw na ito para sa lahat ng mga migrante na naging biktima ng malungkot na kalagayang ito. Sila Joana Demafelis, Concepcion Dayag, Mary Jean Alberto, Jakatia Pawa, Jeannelyn Villavende, Irma Jotojot, Marilyn Restor, Grace Santos, Henry Acorda, Jerwin Royupa, Terril Atienza, Bennylyn Aquino, Julleebee Ranara at napakarami pang iba ay dapat nating gunitain. Samantala, muli naming pinapanawagan na kumilos na si Bongbong Marcos upang palayain at mapauwi na si Mary Jane Veloso at iba pang mga biktima ng human trafficking.
Nananawagan din kami na ang Marso 17 ay gawing “Pambansang Araw ng Pag-alala sa mga Migrante” upang hindi malimutan ng sambayanang Pilipino ang mga hirap at sakripisyong kinailangang danasin ng mga Pilipinong itinutulak ng gubyerno palabas ng bansa.
Iginigiit din ng Migrante na itigil ng Kongreso at gobyerno ni Marcos Jr. ang napipintong Cha-Cha dahil ang pagbubukas ng ating yaman pabor sa ibang bansa ay mag-aalis sa proteksyon at magsasadlak sa higit na pagsasamantala sa mga Pilipino. Sa halip, ipinapanawagan ng Migrante na ipatupad ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) na nagsusulong ng interes ng mamamayang Pilipino kabilang ang pagkakaroon ng sapat at disenteng trabaho sa loob ng bansa sa pamamagitan ng susing patakaran ng Pambansang Industriyalisasyon at Tunay na Reporma sa Lupa.
Huwag tayong pumayag na madagdagan pa ang mga migranteng biktima na napilitan na iwan ang kanilang pamilya para sa kaginhawaan na hindi nila mahanap sa ating sariling bayan. Ipaglaban natin ang isang lipunang inaaruga at nirerespeto ang ating mga karapatan, may nakabubuhay na sahod at sap-at na trabaho, at kapayapaan para sa ating mga pamilya.###