22.6 C
Toronto
Friday, September 20, 2024
Home Migrante Canada MIGRANTE CANADA | PAGNINILAY

MIGRANTE CANADA | PAGNINILAY

0
MIGRANTE CANADA | PAGNINILAY
(Cartoon by Balinghoy)

Kalbaryo ng Mamamayan ay Kalbaryo sa Charter Change

Marso 29, 2024

Malaking pasanin ng mamamayan ang mga problema ng bayan na malalim na nakaugat sa kasaysayan at lipunang Pilipino. Ang kalbaryo ng mamamayan ay kalbaryo rin ng migranteng Pilipino.

Ang Semana Santa ay isang pagkakataon na ipakita ang kapangyarihan ng mapagpalayang pananampalataya, pananampalataya na nagsasabi na hindi kapalaran ang maging mahirap at api. Walang tadhana o kapalaran, bagkus ang tao ang mapagpasiya at makapagbabago ng lipunan.

Sa kasalukuyang panahon, ang kalbaryo ng mamamayan ay ang kalbaryo ng charter change o cha-cha.  Sa pagtutulak at pagpipilit ni Marcos Jr. na  baguhin ang Konstitusyon ng 1987, nairatsada ang pagpasa ng Resolution of Both Houses 7 (RBH7) sa Kamara, sa tulong ng angkang Marcos-Romualdez. Nangyari ito bago mag Semana Santa.

Ang pekeng People’s Initiative (PI) ay binuhusan ng pondo para mangalap ng mga pirma, sabay kapalit ng pera o suhol sa paglagda sa pekeng petisyon. Ang angkang Marcos-Romualdez ang nasa likod ng petisyon para baguhin ang Konstitusyon at payagan ang Senado at ang Kamara na bumoto bilang isa kapag tinawag ang motion na magbuo ng constituent assembly o Con Ass. Nakahain pa ngayon ang mga pirma  sa COMELEC.

Si Marcos Jr.  at mga bayarang ekonomista, malaking negosyante, at alipures sa gobyerno ay iisa ang sinasabi: ang sagot sa paghihirap ng  bayan ay nasa pagbabago ng Konstitusyon, sa mga amyendang pang-ekonomiya para maiahon kuno ang bayan. Ngunit malinaw na lahat

ng ito ay bahagi ng pansariling interes na manatili sa poder, tanggalin ang restriksyon sa termino ng mga halal na opisyal, at ituloy ang mga dinastiyang politikal.

Kapag nagwagi ang chacha, wala nang sasagka sa malayang pagpasok ng iba pang base militar, pasilidad, at ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas. Wala nang sasagka sa war games o war exercises ng Estados Unidos sa ating mga dagat at mga nayon, o sa pagpasok ng armas nukleyar. Ibibigay ng rehimeng Marcos, Jr.  ang soberanya, patrimonya  ng bayan, pati na ang mga mamayan  nito sa  mga dayuhan. Magigising na lang tayo at pag-aari na ng mga dayuhan, 100 na porsiyento ang ating bayan!

Sa loob at labas ng bansang Pilipinas, tuloy ang protesta laban sa chacha sa lansangan, simbahan, sa harap ng embahada, maging sa online. Hindi lamang sa isa o dalawang sektor, kundi sa lahat ng aping sektor sa lipunan – tulad ng manggagawa, magsasaka, maralitang taga-lungsod, mangingisda, kabataan at estudyante, kababaihan, mga katutubo, tsuper, siyentipiko, pati na migranteng Pilipino sa ibang bansa.

Hindi hihinto ang pag-alis ng mga manggagawang Pilipino para magtrabaho sa ibayong dagat hanggat pasanin ni Juan de la Cruz ang kalbaryo ng bayan.

Malinaw ang sigaw ng mamamayan.

Pagkain, sahod, kabuhayan, tunay na demokrasya at kalayaan, hindi ang ChaCha!

Kabuhayan, lupa, karapatan at kasarinlan; hindi ChaCha para sa dayuhan at iilan!

Pera ng bayan, gamitin sa serbisyong panlipunan, hindi sa ChaCha!

Reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, at makatarungang kapayapaan,

hindi pagbebenta ng Pilipinas sa mga dayuhan!

Sa pagninilay sa mga araw na ito, isabuhay natin ang mga aral at tagubilin ng pagkilos at pagmamahal sa kapwa, isapraktika ito sa ating paglikha ng lipunan na may pagkakapantay-pantay, hustisya, kapayapaan, katarungan, at pagkalinga sa kapwa.

Pagkatapos ng kalbaryo, kahirapan at kamatayan, ay ang Pasko ng Pagkabuhay.

Sa pagwasak ng mamamayan sa pasaning kalbaryo, tiyak ang pagdating ng Pasko ng Ating Paglaya! ###

Political cartoon by Balinghoy.