ni Oya Mang-oyan
Walang kapaguran sa paglalaro ang mga bata. Maghapon na silang namamasyal ngunit hindi maubos-ubos ang enerhiyang lumalabas sa katawan ng kanyang mga anak. Kanina lamang sa SM North, takbo nang takbo ang mga bata, walang tigil at hindi mapigil sa paglalaro. Pagkaraang nilang manood ng sine at kumain sa Pizza Hut, hala sige, parang ayaw nilang matapos ang buong araw, ayaw nilang matapos ang buong maghapon na magkasa-masama silang pamilya. Pakiramdam niya’y hindi pangkaraniwan ang kakaibang kalikutan ng mga anak niya. Harutan at asaran, pati bunso niya’y nakikisabay na rin sa mga nakatatanda niyang kapatid . Sa kabila ng lahat, pansin niya ang malamlam na ngiti at mukha ng kanyang asawa. Nahuhuli niya itong nakatitig sa kanya. Kahit ang panganay niyang anak na lalaki ay tahimik na masaya o masayang tahimik. Hindi niya mawari ang ganoong mga kilos ngunit nararamdaman niya ang dahilan. Ito ang huling araw ng kanilang pagsasama-sama bilang pamilya. Ang huling pamamasyal sa SM North na paborito nilang pasyalang mag-anak. At kapareho din nung huling rehearsal sa kanyang mga kabanda, may kung anong pakiramdam ang gustong sumambulat nang oras na iyon. Parang sasabog ang kanyang dibdib sa lungkot ngunit ayaw niya itong ipahalata sa kanyang asawa at mga anak. Bawa’t halakhak at tawanan ng kanyang mga musmos na anak ay parang suntok naman sa kanyang dibdib. Nitong mga huling linggo, ramdam niya ang mga lambing ng mga bata. Panay yakap at halik sa kanya. Kahit ang panganay niyang anak ay mas gustong nasa bahay kesa pumasok sa iskul. Madalas na maaga din itong umuwi galing sa eskwela at maaga ding nagigising para makipagkwentuhan sa kanilang mag-asawa habang naghahanda ng almusal at umiinom ng kape.
Pagkaraang matanggap niya ang immigrant visa at mag-file ng resignation sa trabaho, laging sama-sama silang pamilya. Gusto niyang ituon ang mga nalalabing araw ng pamamalagi niya sa Pinas para lang sa kanyang pamilya lalong lalo na sa kanyang mga maliliit na anak. Kaya siya na ang naghahatid-sundo sa kanila sa iskwela na nag-aaral malapit lang sa kanilang tirahan. Iba pala talaga ang pakiramdam kung siya mismo ang naghahatid-sundo sa mga bata. Pagkakita pa lamang sa kanya sa geyt ng iskwelahan tuwing sunduan ay paunahan na sa pagsalubong sa kanya. Sabay yakap at hawak sa kanyang kamay. Laging masarap ang pakiramdam kung nayayakap siya ng mga anak. Tama yung sabi ng kanyang kaibigan sa opisina na ang yakap ng anak ay nakakatanggal ng pagod. Ganoon palagi ang pakiramdam niya lalo na ngayon na hindi lang pagod na pisikal kundi pagod ng kalooban ang kanyang nararamdaman. Sa loob nang lumipas na labing tatlong taon na kasama sila, ngayon lamang niya naramdaman ang pagiging katuwang sa kanyang asawa. Ngayon lang niya naramdaman nang husto ang kahulugan ng pagiging ama.
Apat ang kanyang anak. Lahat ay malalapit sa kanya. ‘Yung panganay niya na nagbibinata na ay parang barkada lang ang turingan nila. Mag-iisang taon pa lamang ang kanyang bunsong babae na ilang araw na lang ay magbebertdey na. Nagrequest ang asawa niya na baka pwedeng pagkaraan ng bertdey ng bunso niya, saka siya tumulak papuntang Canada. Yun naman din talaga ang plano niya bagamat pakiramdam niya’y mas masakit ang dulot nito sa kanya lalong lalo na sa kanyang mga anak. Plano kasi nilang mag-asawa na kung makaalis na siya at magtanong ang kanilang mga anak kung bakit palagi siyang wala, palalabasin na lang na nasa opisina lang siya, sa malayong opisina. Kalaunan, dahil papalapit na nang papalapit ang kanyang pag-alis, hindi na rin naitago ang totoong dahilan kung saan siya papunta. Minsan habang nakikipagkulitan ang dalawang anak niyang babae sa kanilang mga Tita , pinaiyak nito ang kanyang bunsong anak.
“Hala ka iiwan ka na ng Tatay mo, pupunta na siya ng Canada, di ka isasama!”, ang pang-aalaskang biro ng kanyang Tita.
Walang tigil sa pag-iyak ang kanyang bunso. Ayaw nitong pumayag sa binanggit na kanyang Tita. Ayaw niyang maniwala sa kanyang narinig. At kung totoo man ito, hindi siya papayag na mangyari ito. Hanggang pati yung pangatlong anak nyang babae e nakiiyak na din. Samantalang yung pangalawang lalaki ay nagpipigil lang sa pag-iyak pero ayun at tumakbo sa kanyang Nanay para humingi ng yakap. Marahil upang isumbong sa mga yakap na iyon na nagbibiro lamang ang kanyang Tita. Tahimik lang na natatawa ang panganay niyang anak pero halatang ito mismo ay apektado sa iniiyak ng kanyang mga bunsong kapatid.
Bakit nga ba kailangang ilihim sa mga bata ang kanyang pag-alis? Bakit kailangang ipagdamot ang katotohanang matatagalan talaga bago sila magkasama-samang muli? Kailangan lang namang ipaliwanag sa mga bata na kung mauna man siya sa Canada, susunod naman sila doon. Mabubuong muli ang pamilya. Pinag-usapan nilang mag-asawa ang bagay na ito. Kailangan nilang sabihin sa mga bata ang katotohanan. Dahil mas tamang alam nila kung bakit sa mga susunod na mga araw, buwan at taon, wala silang ama na uuwi galing sa trabaho. Walang amang may bitbit na pasalubong tuwing darating galing sa trabaho. Walang amang kasama nila sa pagsimba sa UP Chapel tuwing linggo. Walang ama na kasama-sama nila sa pamamasayal sa SM North. Kailangan nilang ipaintinding mag-asawa ang ganitong kalagayan upang hindi naman maging mahirap para sa mga bata ang kanyang pagkawala. Maaring hindi magiging katanggap-tanggap ito sa kanila, subalit kahit siya’y mahihirapan ding tanggapin ang ganoong sitwasyon. Isipin lang niya ang ganitong mangyayari’y parang ikamamatay niya ang pag-iisa sa malayong bayang hindi sila kasama.
Naalala niya na bago sila ikasal ng kanyang asawa, umiiyak ang kanilang panganay na anak. Hindi niya tunay na anak ito, ibig sabihin, hindi siya ang biological father. Anak ito ng kanyang asawa sa isang foreigner. Malalapit at pinagkakatiwalaang mga kaibigan lamang ang nakakaalam ng sikretong ito. Sila yung mga kaibigang tinuring niyang pamilya at talagang kakilala siya. Ang totoo kahit siya’y hindi alam ang buong kwento at detalye dahil hindi na rin naman niya itinanong. Kung bakit , dahil naniniwala siyang hindi na mahalagang halungkatin pa ang nakaraan ng kanyang asawa. Mamahalin mo ang lahat lahat maging ang wala at meron siya. Lahat ng kung ano at sino siya. Ang tanging alam lang niya nung panahong usung-uso ang pag-aabroad puntang Saudi, nagtrabaho daw ang kanyang asawa doon. Sa isang hindi malinaw na kwento , nareyp daw ang kanyang asawa at nabuntis. Sa takot na kung ano pa ang masamang pwedeng mangyari doon, pinauwi itong pilit ng kanyang mga magulang . Kaya dito na sa Pilipinas ipinagbuntis at ipinananganak ang kanyang panganay, ang kanilang panganay. Lumaki ang bata na walang nakilalang ama. Subalit pinunuan naman ang pagkukulang na iyon ng magulang at mga kapatid ng kanyang asawa. Kaya nang magkakilala sila ng kanyang asawa , may anak na itong isa. Jose ang kanyang pangalan. Limang taon pa lamang ito nang pakasalan niya ang kanyang asawa. Pero bago sila ikasal umiyak ang bata sa kanya. Tinanong niya kung bakit. Natatakot daw itong baka kung magkaroon na sila ng mga anak ay hindi na siya maging bahagi ng pamilya. Natatakot siyang ma-echa-pwera. Natatakot siyang baka iwanan na lamang siya sa magulang at mga kapatid ng kanyang asawa.
“Paano ako kung magkaanak na kayo ni Nanay, isasama ninyo ba akong dalawa?”, ang lumuluhang tanong ni Jose sa kanya.
“Hindi nga kita kadugo, pero anak kita. Ibinigay ka sa akin ng Diyos. Kaya kung dumating man ang tunay mong ama, ipapakilala kita. Hindi ko ipagkakait sa iyo iyon. Pero kung kukunin ka niya sa amin, hindi ka namin ibibigay. Hinding hindi kita ibibigay, dahil anak kita”, sabay yakap sa kanya ng mahigpit ni Jose. Hindi na rin niya napigilan ang maluha. Hinding-hindi niya malilimutan ang tagpong iyon dahil yun din ang unang pagkakataon sa buhay niya na una niyang naramdaman ang pagiging ama. Na hindi naman mahalaga ang magkadugo para maramdaman ang pagiging ama. Ang tunay na pagmamahal ay walang kondisyon o hinihinging kundisyon. Ganoon niya minahal ang kanyang itinuring na higit pa sa kanyang sariling mga anak. Simula noon hindi na kailanman ito nagduda sa pagmamahal at pagkilala sa kanya bilang panganay na anak. Kahit na nang naglakihan na pati ang mga sarili niyang anak, ganoon na lamang ang pagmamahal mismo ni Jose sa kanyang mga kapatid. Ganoon din naman ang kanyang mga kapatid . Tuwang-tuwa si Jose lalo’t tinatawag siyang kuya dahil yun naman din ang matagal na hinihiling niya sa kanyang Nanay na balang araw magkaroon siya ng mga kapatid at amang aangkinin siya bilang tunay na anak.
Kaya kanina sa SM North, di maitago ang lungkot ng kanyang panganay. Ang totoo’y sa magkakapatid, ito ang higit na apektado. Ang katotohanan, ito ang pinakamalungkot sa pangyayari kahit pa anong pagtatago ng kanyang pakiramdam. Dahil sa kanyang pag-alis siya naman ang tatayong ama habang siya’y wala. Kaya naman siguro lagi siyang nakaakbay sa kanyang Nanay habang pinagmamasdan ang kanyang mga kapatid na walang hinto sa pagtakbo at paglalaro. Ganoon ang panganay niya kapag may panghihinang nararamdaman, katabi ang kanyang Nanay.
Madaling-araw na nang makatulog ang mga bata sa maghapong pagod. Ang asawa na lamang niya ang walang tigil sa pag-aayos ng mga dadalahin niyang maleta. Tsinitsek ng paulit-ulit baka may makaligtaan. Alam naman niyang hindi simpleng pagtsitsek lamang ang ginagawa nito. Nakailang beses nitong binuksan ang maleta at tinanggal ang mga laman. Tapos ibabalik uli. Lalabas ng kanilang silid. Tapos babalik muli sa kanilang silid. Nang makita ang hinahanap, isinilid ito sa harapang bulsa ng maleta. Iyon ang kanilang family picture na kuha sa harapan ng UP Chapel kanina nang sumimba sila. Marahil. gusto lang nitong masigurado na lagi niyang maalala ang pamilya kahit saan siya mapunta. Kapansin-pansin ang namumugto na nitong mga mata. Hindi ito umiimik pero tuluyan nang dumaloy ang luhang sa tantiya niya’y maghapong naipon sa dibdib nito. Habang inihahanda ang lahat niyang dadalhin bukas sa airport, nilapitan niya ang asawa at niyakap nang mahigpit. Kahit alam din naman niyang walang yakap ang makaaampat ng sakit na nalilikha ng katotohanang naghihiwalay sa kanilang pamilya dulot ng pangingibang bayan.
Naalala niya ang awit ng kapatid niyang musikero na lagi niyang kinakanta sa tuwing magkikita sila ng kaibigan nitong kwentista’t makata.
Saglit lamang naman itong kalungkutan
Ito’y dagling mawawala
Tulad ng gabing madilim na lilisan
O, kay tagal ng sandaling laan sa ‘yo
Tulad ng paglalakbay mong
Tila walang katapusan
Kahit saan maparoon
Ika’y di lilimot
Ito’y pangakong dadalhin
Pati na ang unos
Sintibay ng pananalig ang tibay ng loob
Tulad ng awiting kailanpama’y
Hindi matatapos
Habang kayakap niya ang kanyang asawa, damdam niya ang impit na hagulhol nito. Niyaya na niya itong mahiga. Kagaya ng dati’y magkakadatig sila ng mga batang himbing na himbing na sa pagkakatulog.