Buwan ng Wikang Pilipino: Pagpupugay kay Amado V. Hernandez

0
1239

Alam ko na ang sasabihin mo. Sino si Amado V. Hernandez?

Si Ka Amado ay isang makata, nobelista, lider manggagawa, dating gerilya laban sa Hapon, isang Marxista, at isang nagmamahal sa bayan. Hindi siya bulag o hiwalay sa kalagayan ng anakpawis sa kaniyang kapanahunan — isang kalagayan na walang hustisya at katarungan (walang pinagkaiba sa kasalukuyang panahon). Dahil sa kaniyang pagkilos sa pagbabago ng lipunan, si Ka Amado ay dinampot at kinulong noong 1951 hanggang 1956. Bagamat pansamantalang lumaya sa piyansa, aabutin ng 13 taon bago nagdesisyon ang  Korte Suprema at binigyan si Ka Amado ng abswelto sa mga paratang laban sa kaniya. Nagpasya ang Korte Suprema noong  1964 na walang batayan ang mga paratang ng rebelyon, pagpatay, arson at pagnanankaw; ito ay  isang makasaysayan at bukod-tanging desisyon ng Hukuman.  Ang kaso ng The People of the Philippines vs Amado V. Hernandez ay batayan at mahalagang kaso sa pag-aaral ng batas sa Pilipinas.

Kilala rin si Ka Amado bilang kabiyak ni Honorata “Atang” de la Rama, mang-aawit at mandudula ng bodabil.  Pumanaw si Ka Amado noong 1970. Pagkaraan ng limang taon, hinirang siya ng pamahalaan bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan (National Artist for Literature). Ang subersibo, ang bilanggong pulitikal ay binigyan ng pinakamataas na parangal ng estado!   

Isa sa mga tula ni Ka Amado na talaga namang napamahal sa mga aktibista at patuloy pa rin na binibigkas sa mga pagtatanghal, rali at makabayang pagtitipon ay pinamagatang “Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan”. Napapanahon pa rin ang tulang ito sa sitwasyon ng ating bayan na mala-kolonyal at mala-piyudal. Napapanahon dahil ang ating pambansang soberaniya ay niyuyurakan at nilalapastangan ng mga dayuhan at hinahayaan ng ating gobyerno.

Sinulat ni Ka Amado ang tulang ito noong Agost 13, 1930 bilang  gunita ng pagsakop ng mga tropang Amerikano sa Maynila noong Agosto 13,  1898, pagkatapos ng pinagkasunduang peke na labanan sa pagitan ng tropang Amerikano at Kastila sa Maynila (o ang  “Mock Battle of Manila “). Mas katanggap-tanggap sa mga Kastila na matalo at sumuko sa mga Amerikano kaysa sa mga “Indio” na mga Katipunero, kahit na nakubkob na ng mga Pilipino ang Intramuros at nag-alsa na ang mga probinsiya sa ilalim ng Katipunan sa Himagsikan ng 1896 laban sa Espanya. Sa araw na ito, ang bayan natin ay nalipat sa pananakop ng Amerika. Narito ang ilang saknong mula sa tulang ito:

Lumuha ka, aking Bayan, buong lungkot mong iluha ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa: ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila, pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika; ganito ring araw noon nang agawan ka ng laya, labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila.

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog; ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos, ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos; masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod, masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor nasa laot!

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo, may araw ding di na luha sa mata mong namumugto ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo, samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo; sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!

Alam ni Ka Amado na may hangganan din ang luha at ito ay mapapalitan ng apoy na kulay dugo. Alam ni Ka Amado na babangon at lalaban ang bayang Pilipino. 

Ika nga, tuyo na ang luha ng ating bayan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here