Site icon PinoyAbrod Canada

PEOPLE’S SONA: Spotlight sa Migranteng Pinoy

PSONA 2024: Metrotown Skytrain Station, Burnaby BC

MIGRANTE CANADA

Isang Bayang Pilipinas. Dalawang kuwento. Ang kuwento ng iilan at ang kuwento ng mamamayan. Ito ang SONA ni Marcos Jr. at ang People’s SONA ng Bayang Pilipino.

Tiyak na ipangangalandakan ng rehimeng US-Marcos ang kanyang “Bagong Pilipinas”, ang bersyon ng “Bagong Lipunan” ng kanyang amang diktador. Kahit na anong bagong kanta at bagong panatang makabayan ang gawin ng rehimeng Marcos Jr.,  at kahit na ano pang mga pakulo ang kaniyang ilako at ihagis sa taumbayan para bumango ang mabahong legasiya ng kanyang diktador na ama, ang obhetibong kalagayan ng mga mamamayang Pilipino sa loob at labas ng bansa ang pruweba at saksi sa lalong palalang krisis sa ekonomiya at pulitika.

Mas malakas ang ungol ng sikmurang nagugutom kaysa sa mga anunsyo ng rehimen na mabuti daw ang ekonomiya ng bansa. Hindi kayang habulin ng sweldo ng mga manggagawa ang bilis ng takbo ng pagtaas ng pagkain, kuryente, tubig, upa sa bahay, gamit sa paaralan, gamot, at iba pang bayarin ng mga mamamayan.

Malaking insulto ang dagdag sahod na bigay palimos ng gobyerno. ANO ang mabibili ng P35 dagdag sahod na ito? Hindi ito sapat para bumili ng isang kilo ng bigas o isang kilo ng bangus at kapus ito sa pamasahe sa LRT! Kahit na tumaas pa ang minimum na sahod mula sa dating P610 sa P645 kada araw, HINDING-HINDI pa rin ito sapat para mabuhay nang disente ang manggagawa at kanyang pamilya! Malayong-malayo ito sa P1,207.00 sahod kada araw, na ayon sa Ibon Foundation ay isang sahod na nakabubuhay (living wage) at makatutulong sa manggagawa at kanyang pamilya sa panahong ito.

PSONA in Toronto 2024

Patuloy ang OFW at kababayan natin sa kanilang padala ng remitans dahil imposibleng buhayin ng kakarampot na sahod sa Pilipinas ang mga iniwang pamilya at kamag-anakan.  Ang plano ng ating OFW na makabalik ay nagiging malayong pangarap sapagkat walang disenteng trabaho na may sahod na nakabubuhay kapag sila ay bumalik.  Ito ang bukambibig ng mga migrante dahil sa Pilipinas, wika nila, ang gastusing pera ay parang tubig na umaagos sa kanilang mga kamay.

Kung talaga nga na nagbago na ang buhay sa atin, bakit walang patid ang paglabas ng ating mga kababayan para makipagsapalaran sa ibayong dagat?

Simple lang. Dahil sa krisis sa ating ekonomiya at neo-liberal na patakaran ng rehimeng Marcos. At dahil inilalako nito ang lakas paggawa ng Pilipinas sa kanyang mga magastos at maraming biyahe sa iba’t ibang bansa. Inilalako ang mga Pilipino bilang mga nars, caregiver, seasonal farm worker, atbp. Agresibong itinutulak ni Marcos Jr. ang Labor Export Policy (LEP) na itinatag ng amang diktador Marcos Sr. noong 1974, limang dekada na ang nakararaan. Hindi ito kailanman masasabing pag-unlad sa dami ng Pilipinong umaalis sa bansa para magtrabaho.

May estima na 2.4 milyon na mga kababayan natin ang lumabas ng bansa noong 2023 para magtrabaho. Ang ibig sabihin nito, mahigit na anim na libong (6000) kababayan natin ang umaalis patungo sa ibang bansa ARAW ARAW. Hindi kasama sa bilang na ito ang mga umaalis bilang turista o international student pero ang pangunahing hangad ay makapagtrabaho sa ibang bansa.

Tinitiis ng mga OFW ang lungkot sa pagkawalay sa anak at pamilya. Bukod dito, marami sa mga OFW, lalo na iyong nasa Middle East, ang biktima ng iba’t ibang anyo ng paghihirap at  pang-aabuso, maltrato, rasismo at diskriminasyon, hindi makatarungang kondisyon sa paggawa (tulad ng di tamang pasahod at di tamang oras ng paggawa, atbp), pagkakulong, at tumagal sa death row. May mga ulat na may mga kababayan na pinili ang magpakamatay sa mga shelter tulad ng sa Middle East sa kawalan ng pag-asa.

Ang nakikinabang sa desperasyon na makapagtrabaho sa abrod ay ang mga masamang rekruter at mapanlinlang na konsultant sa imigrasyon na parang mga pating na nakaamoy ng sariwang dugo. Tampok rito sa Canada at sa ibang bansa ang mga biktima ni Nina Mabatid at Pinoy Care Visa Center, Jeanet Moskito at ang Link4Staff Recruitment Agency, at ang The Promise Land Consultancy.

Sa maraming mga kaso sa mundo, hindi naging sapat at kagyat ang pagtulong ng ating mga konsulado at ang Department of Migrant Workers (DMW), kasama na rito ang hindi malinaw at pahirapan pang proseso ng pagbibigay ng ayuda, hindi bukas kung ano at sino pa ang maaring mahingan ng ayuda at legal na suporta, at kulang sa pagpapalaganap ng public advisory na iwasan ang mga masasamang ahensiyang ito at gawan ng paraan na mapahinto ang kanilang operasyon.

PSONA Toronto 2024

Kamakailan ay lumabas ang balita na ang PhilHealth ay may hindi nagamit na pondo na P90 bilyon (wow!) at ibinigay ito sa gobyerno! Tatandaan natin na may 119 milyon na mga PhilHealth member, kabilang ang mga migrante, na sapilitang kinukuhanan ng PhilHealth na kontribusyon mula sa kanilang mga sahod. Bakit ibibigay sa gobyerno ang di nagamit na pondo, hindi ba dapat na gamitin ito na dagdagan ang benepisyo at bawasan ang kontribusyon ng mga miyembro, ayon sa mga probisyon ng  2019 Universal Health Care Act? Magnanakaw ang opisyales ng PhilHealth at kakutsaba nila ang gobyerno na tumanggap nitong pondo, at ito ba dahil malapit na ang eleksyon?

Sa “Bagong Pilipinas” kuno, tuloy ang pagnanakaw, ang korupsyon, ang pag-abandona at di-pagtulong sa mga migrante at kanilang mga pamilya, ang pagwawalang bahala ng mga opisyal at empleyado ng mga konsulado at embahada sa mga problema at kalagayan ng migranteng Pilipino sa iba’t ibang lugar sa mundo.

Ang “Bagong Pilipinas” ay mga pangakong napako. Mas matindi ang gutom, mas dumarami ang mga insidente ng masahol na pagtrato at pag-abandona sa migranteng Pilipino at ginagawa silang gatasan sa dami ng state exaction at bayarin. Hindi na nahiya ang gobyerno, na nakikinabang sa remitans ng mga Pilipino at migrante sa abrod ngunit walang pagkalinga sa mga migranteng nangangailangan ng tulong.

Sa global online na programa ng Migrante International sa kalagayan ng mga OFW at Pilipino sa labas ng bansa, malinaw na bumubuntot ang gobyerno, ang mga embahada at konsulado sa kanilang tungkulin na ipagtanggol ang migrante Pilipino at kababayan sa ibang bansa, bumubuntot sa gawain at dedikasyon ng Migrante International, ang pinakamalaking organisasyon ng mga Pilipino sa ibayong dagat.

PSONA around the world

Ang kuwento ni Ate Maricel Santos sa paghahanap ng tulong para sa kanyang asawa na nasa death row sa UAE ay isang patutoo na walang maasahan sa ating mga opisyal sa embahada. Pinagsabihan ng embahada na wala itong magagawa, kaya nagpunta si Ate Maricel kay Tulfo na inutusan lang na siya ay pumunta sa Malacanang at sa OWWA, pero hindi siya natulungan ng lahat ng ito. Nang may nagsabi na lumapit sa Migrante, wika ni Ate Maricel, “Hindi ako binigo ng Migrante.”  Sumaklolo ang Migrante at naging katuwang na lumaban kasama ni Ate Maricel para mapalaya ang kanyang asawa. At ang embahada sa UAE? Ito ang may lakas na magtanong kung nakalaya na ba ang kanyang asawa!

Ang mga kuwento at karanasan ng migranteng Pilipino sa iba’t ibang dako ng mundo, kasama ang kanilang mga pamilya ang nagpapatunay na walang pagbabagong positibo sa ating bayan. Ang pagbabago ay ang lumalakas at lumalapad na kilusang migrante na sumasabay sa malawak na kilusan ng mamamayan para sa pambansang demokrasya. ###

Hulyo 21,2024

#SONA2024

Exit mobile version