Ang aking saloobin at panalangin ay nasa ating mga kababayan at OFW na nasa gitna ng pagbobomba sa Middle East.
Wala ka talagang masasabi sa sipag at tapang ng migranteng manggagawang Pinoy. Kung nasaan ang trabaho, naroon malamang ang ating OFW. Kahit na saksakan ng lamig ang panahon, iba ang wika at kultura, kahit na may giyera pa.
Pero iba ang nangyayari sa Middle East ngayon.
Iniutos ng presidente ng US Donald Trump ang pagbobomba sa Iran nitong linggo, June 22. Ito ang pinakamalaking pambobomba ng US gamit ang mga non-nuclear bomb. Biruin mo, 14 na “bunker-buster” na bomba na tumitimbang ng 30,000 kilo bawat isa ang inihulog sa Iran! Hindi pa nagkasya ang US dito, nag-deploy pa ng 30 mga submarine-launched missile patungong Iran!
Itong pambobomba ng US ay pagkatapos ng pag-atake ng Israel sa Iran, sa pag-uutos ng kanilang Prime Minister Benjamin Netanyahu noong June 13.
Sa anumang digmaan, ang pina-apektado ay ang mga bata, kababaihan at mga sibilyan. Kasama riyan ang mga migranteng manggagawa, tulad ng ating mga OFW.
Tinataya na may 29,473 mga Pilipino sa Israel at 1,184 na Pilipino sa Iran. Sa Middle East, mga 2.2 milyong Pilipino ang naroon.
Paano ang ating mga OFW, makakauwi ba silang lahat? Hindi pa po.
Dahil ang Alert Level 3 na tinakda ni Presidente Marcos, Jr. ay voluntary evacuation o boluntaryong paglikas pa lamang. Ha? Kung sa bagyo, ang typhoon signal ay hindi pa sapat para isara ang mga paaralan at huwag papasukin ang mga estudyante.
Ang kailangan ay Alert Level 4 na mandatory evacuation at repatriation. Kung sa bagyo, typhoon signal no.3 na! Wala ng pasok at kung nasa paaralan na ang bata, pauuwiin na sila kaagad-agad.
Tama ang sinabi ng Migrante Canada sa kanilang pahayag: “Ano ang hinihintay ng gobyerno? Pasko? Kapag huli na ang lahat? Not one Filipino migrant must be left behind. Not one Filipino migrant must be denied rescue before it is too late.”
Dahil hindi pa mandatory ang paglikas o evacuation, may mga OFW na nagpapasiya na pumirmi sa harap ng ganitong gulo. Ang iba naman daw ay nagdadalawang-isip dahil sayang naman daw ang trabaho at ang kanilang kontrata.
Nakapanghihina ang marinig ito, na isusugal ng ating mga OFW ang kanilang buhay para maghanap-buhay! Anong klaseng lipunan ang meron tayo na nanaisin ng ating mga OFW ang di umuwi? Anong klaseng lipunan ang meron tayo na nagtutulak sa ating mga kababayan na mangibang bansa dahil sa kawalan ng trabaho, disenteng sahod at disenteng pamumuhay para itaguyod ang kanilang mga pamilya? Pipiliin pang mamatay na nagtratrabaho kaysa mamatay ng dilat sa gutom.
Sinabi rin ng Department of Migrant Workers na maglalabas ng total deployment ban sa Israel at Iran. E dapat naman.
Sa mga uuwing OFW pabalik sa Pilipinas, sana tuparin ng gobyerno at mga ahensiya nito ang kanilang pangako ng tulong at reintegration para sa mga OFW.
Maging mapagbantay tayo sa nangyayari sa mundo. Maging mapagbantay at ikondena natin ang mga atake ng US at Israel sa Iran, ang atake at genocide ng Israel (na suportado ng US) sa Palestina, ang paglakas ng pasismo sa mundo, at ang paglabag ng karapatang pantao at pambansang soberanya. Saksi tayo sa walang pakundangang paggamit ng mga bomba, missile, food at aid blockade laban sa mga bata, kababaihan at mga sibilyan, mga ospital at paaralan. Maging mapagbantay tayo, bilang mga Pilipino, na huwag mahila sa mga pagsalakay at agresyong militar ng US sa daigdig.
Sa ating mga kababayan na naghihintay ng evacuation at repatriation, naghihintay ang inyong mga pamilya at komunidad sa atin.##

